Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita at ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa iba’t ibang kapanahunan, at sa iba’t ibang kapanahunan, bumibigkas Siya ng iba’t ibang salita. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga tuntunin, o nag-uulit ng katulad na gawain, o nakararamdam ng pangungulila para sa mga bagay ng nakaraan; Siya ay isang Diyos na laging bago at kailanma’y hindi naluluma, at bumibigkas Siya bawat araw ng mga bagong salita. Dapat kang sumunod sa mga dapat sundin ngayon; ito ang pananagutan at tungkulin ng tao. Napakahalaga na ang pagsasagawa ay nakatuon sa liwanag at mga salita ng Diyos sa kasalukuyan. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga tuntunin, at nagagawang magsalita mula sa maraming magkakaibang pananaw upang gawing malinaw ang Kanyang karunungan at walang-hanggang kapangyarihan. Hindi mahalaga kung Siya man ay nangungusap mula sa pananaw ng Espiritu, o ng tao, o ng ikatlong persona—ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi mo masasabi na Siya ay hindi Diyos dahil sa pananaw ng tao mula kung saan Siya nangungusap. Sa ilang tao ay may lumitaw na mga kuru-kuro bilang bunga ng magkakaibang pananaw mula kung saan nangungusap ang Diyos. Ang ganoong mga tao ay walang pagkaalam sa Diyos, at walang kaalaman sa Kanyang gawain. Kung ang Diyos ay laging nangungusap mula sa isang pananaw, hindi ba maglalatag ang tao ng mga tuntunin tungkol sa Diyos? Mapahihintulutan kaya ng Diyos na kumilos ang tao sa ganoong paraan? Mula sa alinmang pananaw nangungusap ang Diyos, may mga layunin Siya sa paggawa ng ganoon. Kung ang Diyos ay laging mangungusap mula sa pananaw ng Espiritu, magagawa mo kayang makipag-ugnayan sa Kanya? Kaya, kung minsan ay nangungusap Siya sa ikatlong persona upang pagkalooban ka ng Kanyang mga salita at gabayan ka tungo sa realidad. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay naaangkop. Sa maikling salita, ginagawa itong lahat ng Diyos, at hindi mo ito dapat pagdudahan. Siya ay Diyos, at kaya kung saang pananaw man siya nagsasalita, lalagi Siyang Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Paano man Siya gumagawa, Siya ay Diyos pa rin, at ang pinakadiwa Niya ay hindi magbabago! Mahal na mahal ni Pedro ang Diyos at isang tao siya na kaayon ng puso ng Diyos, ngunit hindi siya sinaksihan ng Diyos bilang Panginoon o Cristo, sapagkat ang diwa ng isang nilalang ay kung ano iyon, at hindi kailanman magbabago. Sa Kanyang gawain, hindi sumusunod ang Diyos sa mga tuntunin, kundi gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan upang gawing mabisa ang Kanyang gawain at mapalalim ang kaalaman ng tao sa Kanya. Ang bawat paraan Niya ng paggawa ay nakatutulong sa tao na makilala Siya, at upang gawing perpekto ang tao. Anumang paraan ng paggawa ang ginagamit Niya, ang bawat isa ay upang buuin ang tao at gawing perpekto ang tao. Bagama’t ang isa sa Kanyang paraan ng paggawa ay tumagal na nang napakahabang panahon, ito ay upang mapahinahon ang pananampalataya ng tao sa Kanya. Kaya’t dapat ay walang alinlangan sa inyong puso. Ang lahat ng ito ang mga hakbang sa gawain ng Diyos, at dapat ninyong sundin ang mga ito.

Ang pinag-uusapan ngayon ay ang pagpasok sa realidad—hindi ang pag-akyat sa langit, o pamumuno bilang mga hari; ang lahat ng sinasabi ay ang pagtataguyod sa pagpasok sa realidad. Wala nang higit pang praktikal na pagtataguyod kaysa rito, at ang pag-usapan ang pamumuno bilang mga hari ay hindi praktikal. Taglay ng tao ang matinding pagkamausisa, at sinusukat pa rin niya ang gawain ng Diyos ngayon sa pamamagitan ng kanyang mga relihiyosong kuru-kuro. Matapos maranasan ang napakaraming paraan ng Diyos sa paggawa, hindi pa rin alam ng tao ang gawain ng Diyos, naghahanap pa rin siya ng mga tanda at mga kababalaghan, at tinitingnan pa rin kung ang mga salita ng Diyos ay natupad na. Hindi ba ito kagila-gilalas na kamangmangan? Kung hindi natupad ang mga salita ng Diyos, maniniwala ka pa rin ba na Siya ay Diyos? Sa ngayon, maraming ganoong mga tao sa iglesia ang naghihintay na makakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Sinasabi nila na kung natutupad ang mga salita ng Diyos, Siya, kung gayon, ay Diyos; kung hindi natutupad ang mga salita ng Diyos, Siya, kung gayon, ay hindi Diyos. Naniniwala ka ba, kung gayon, sa Diyos dahil sa katuparan ng mga salita Niya, o dahil Siya ang Diyos Mismo? Ang pagtingin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay dapat maiwasto! Kapag nakikita mo na hindi natutupad ang mga salita ng Diyos, kumakaripas ka ng takbo—ito ba ay paniniwala sa Diyos? Kapag naniniwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay at sundin ang lahat ng gawain ng Diyos. Ang Diyos ay nangusap ng napakaraming salita sa Lumang Tipan—alin sa mga iyon ang nakita ng sarili mong mga mata na natupad? Masasabi mo ba na si Jehova ay hindi ang tunay na Diyos dahil hindi mo iyon nakita? Bagama’t maaaring marami nang salita ang natupad, walang kakayahan ang tao na makita iyon nang malinaw dahil wala sa tao ang katotohanan at wala siyang nauunawaan. Nais ng ilan na tumakbong palayo kapag nararamdaman nila na hindi natupad ang mga salita ng Diyos. Subukan mo. Tingnan mo kung makatatakbo kang palayo. Pagkatapos mong makalayo, babalik ka pa rin. Kinokontrol ka ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita, at kung iiwan mo ang iglesia at ang salita ng Diyos, mawawalan ka ng paraan para patuloy na mabuhay. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mo ito mismo—iniisip mo ba na maaaring basta ka na lamang makaalis? Kinokontrol ka ng Espiritu ng Diyos. Hindi ka makakaalis. Ito ay isang atas administratibo ng Diyos! Kung ibig ng ilang tao na subukan, magagawa nila! Sinasabi mong ang personang ito ay hindi Diyos, kaya magkasala ka laban sa Kanya at tingnan kung ano ang gagawin Niya. Maaari na hindi mamamatay ang iyong laman at magagawa mo pa ring pakainin at damitan ang iyong sarili, subalit sa isip ay hindi mo ito mababata; madarama mo ang bigat at ang hirap; walang magiging higit na masakit. Hindi matitiis ng tao ang hirap at pinsala sa pag-iisip—marahil ay nagagawa mong tiisin ang pagdurusa ng laman, ngunit lubos kang walang kakayahan na tiisin ang pagod sa pag-iisip at pangmatagalang pahirap. Ngayon, nagiging negatibo ang ilang tao dahil hindi pa nila nagawang makakita ng anumang mga tanda at himala, subalit walang sinumang nangangahas na tumakbong palayo gaano man sila maging negatibo, sapagkat kinokontrol ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng Kanyang salita. Sa kabila ng kawalan ng pagsapit ng mga katotohanan, wala pa ring makatatakas. Hindi ba’t mga kilos ng Diyos ang mga ito? Ngayon, ang Diyos ay naparito sa lupa upang pagkalooban ang tao ng buhay. Hindi ka Niya sinusuyo, tulad ng inilalarawan sa isip ng tao, sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan upang tiyakin ang isang mapayapang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Ang lahat niyaong hindi nagtutuon ng pansin sa buhay, at sa halip ay nakatuon na gawin ang Diyos na magpakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay mga Fariseo! At ang mga Fariseo ang nagpapako kay Jesus sa krus. Kung sinusukat mo ang Diyos ayon sa iyong sariling pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, naniniwala sa Diyos kung ang Kanyang mga salita ay natutupad, at kung hindi ay nag-aalinlangan at lumalapastangan pa nga sa Diyos, kung gayon, hindi mo ba Siya ipinapako sa krus? Ang mga taong tulad nito ay pabaya sa kanilang mga tungkulin, at buong kasakimang nagpapakasaya sa kaginhawahan!

Sa isang dako, ang pinakamalaking suliranin sa tao ay yaong hindi niya alam ang gawain ng Diyos. Bagama’t ang saloobin ng tao ay hindi isang pagtatatwa, ito ay isang pag-aalinlangan. Hindi nagtatatwa ang tao, subalit hindi rin siya ganap na kumikilala. Kung ang mga tao ay may masinsing kaalaman sa gawain ng Diyos, hindi sila tatakbong palayo. Ang isa pang suliranin ay na hindi alam ng tao ang realidad. Ngayon, sa salita ng Diyos nakipag-ugnayan ang bawat tao; tunay nga, sa hinaharap, hindi mo dapat isipin na makamalas ng mga tanda at mga kababalaghan. Sinasabi Ko sa iyo nang malinaw: Sa panahon ng kasalukuyang yugto, ang lahat lamang ng kaya mong makita ay ang mga salita ng Diyos, at bagama’t walang mga katunayan, ang buhay ng Diyos ay maihuhubog pa rin sa tao. Ito ang gawain na siyang pangunahing gawain ng Milenyong Kaharian, at kung hindi mo mahihiwatigan ang gawaing ito, ikaw ay magiging mahina at babagsak ka; bababa ka sa gitna ng mga pagsubok at, higit pang malungkot, mabibihag ni Satanas. Naparito ang Diyos sa lupa pangunahin upang bigkasin ang Kanyang mga salita; ang nakakaugnayan mo ay ang salita ng Diyos, ang nakikita mo ay ang salita ng Diyos, ang naririnig mo ay ang salita ng Diyos, ang sinusunod mo ay ang salita ng Diyos, ang nararanasan mo ay ang salita ng Diyos, at itong pagkakatawang-tao ng Diyos ay pangunahing gumagamit ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, at lalo nang hindi ginagawa ang gawaing ginawa ni Jesus noong nakaraan. Bagama’t Sila ay Diyos, at kapwa katawang-tao, hindi magkatulad ang Kanilang mga ministeryo. Nang dumating si Jesus, ginawa rin Niya ang bahagi ng gawain ng Diyos, at nangusap ng ilang salita—subalit ano ang pangunahing gawain na tinupad Niya? Ang pangunahing tinupad Niya ay ang gawain ng pagpapapako sa krus. Naging kawangis Siya ng makasalanang laman upang kumpletuhin ang gawain ng pagpapapako sa krus at tubusin ang buong sangkatauhan, at alang-alang sa kasalanan ng buong sangkatauhan na Siya ay nagsilbi bilang alay para sa kasalanan. Ito ang pangunahing gawain na tinupad Niya. Sa huli, inilatag Niya ang landas ng krus upang gabayan yaong mga sumunod. Nang dumating si Jesus, ito ay pangunahin para kumpletuhin ang gawain ng pagtubos. Tinubos Niya ang buong sangkatauhan, at dinala ang ebanghelyo ng kaharian ng langit sa tao, at, dagdag pa, dinala Niya ang landas tungo sa kaharian ng langit. Bilang bunga, lahat yaong mga sumunod ay nagsabing, “Dapat tayong lumakad sa landas ng krus, at ialay ang ating mga sarili para sa krus.” Mangyari pa, sa pasimula, gumawa rin si Jesus ng ilang iba pang gawain at nangusap ng ilang salita upang papagsisihin ang tao at papagkumpisalin ng kanyang mga kasalanan. Subalit ang Kanyang ministeryo ay ang pagpapapako pa rin sa krus, at ang tatlo’t kalahating taon na ginugol Niya sa pangangaral ng daan ay bilang paghahanda para sa pagpapapako sa krus na sumunod. Ang maraming ulit na nanalangin si Jesus ay alang-alang din sa pagpapapako. Ang buhay ng isang normal na tao na ipinamuhay Niya at ang tatlumpu’t tatlong taon na nabuhay Siya sa lupa ay pangunahing alang-alang sa pagkukumpleto ng gawain ng pagpapapako sa krus; ang mga iyon ay upang magbigay sa Kanya ng lakas na maisagawa ang gawaing ito, kung saan ang bunga ay ang pagkakatiwala ng Diyos sa Kanya ng gawaing pagpapapako sa krus. Anong gawain ang tutuparin ngayon ng Diyos na nagkatawang-tao? Ngayon, ang Diyos ay pangunahing nagkatawang-tao upang kumpletuhin ang gawain ng “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao,” upang gamitin ang salita para gawing perpekto ang tao, at ipatanggap sa tao ang pakikitungo sa salita at ang pagpipino ng salita. Sa Kanyang mga salita, Siya ay nagsasanhi sa iyo na matamo ang panustos at matamo ang buhay; sa Kanyang mga salita, nakikita mo ang Kanyang gawain at mga gawa. Ginagamit ng Diyos ang salita upang kastiguhin at pinuhin ka, at sa gayon, kung daranas ka ng hirap, ito ay dahil din sa salita ng Diyos. Ngayon, ang Diyos ay hindi gumagawa na gamit ang mga katunayan, kundi mga salita. Pagkatapos na ang salita Niya ay makarating sa iyo, saka lamang makagagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban mo at makapagsasanhi sa iyo na magdusa ng sakit o makaramdam ng katamisan. Tanging ang salita ng Diyos ang makapagdadala sa iyo tungo sa realidad, at tanging ang salita ng Diyos ang may kakayahang gawin kang perpekto. At sa gayon, dapat mo man lamang maunawaan ito: Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay pangunahing ang paggamit ng Kanyang salita upang gawing perpekto ang bawat tao at gabayan ang tao. Ang lahat ng gawain na ginagawa Niya ay sa pamamagitan ng salita; hindi Siya gumagamit ng mga katunayan upang kastiguhin ka. May mga panahon na ang ilang tao ay lumalaban sa Diyos. Hindi nagsasanhi ang Diyos ng matinding kawalang-ginhawa para sa iyo, ang iyong laman ay hindi kinakastigo, o nagdaranas ka ng hirap—subali’t sa sandaling dumarating sa iyo ang Kanyang salita, at pinipino ka, hindi mo ito mababata. Hindi ba’t gayon nga? Sa panahon ng mga taga-serbisyo, sinabi ng Diyos na itapon ang tao sa walang-hanggang kalaliman. Tunay nga bang umabot ang tao sa walang-hanggang kalaliman? Sa pamamagitan lamang ng paggamit ng mga salita upang pinuhin ang tao, pumasok ang tao sa walang-hanggang kalaliman. At sa gayon, sa mga huling araw, sa pagkakatawang-tao ng Diyos, pangunahin Niyang ginagamit ang salita upang tuparin ang lahat at gawing malinaw ang lahat. Sa Kanyang mga salita mo lamang makikita kung ano Siya; sa Kanyang mga salita mo lamang makikita na Siya ang Diyos Mismo. Kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa lupa, wala Siyang ibang ginagawa kundi ang mangusap ng mga salita—kaya hindi na kailangan ang mga katunayan; sapat na ang mga salita. Yaon ay sapagkat pangunahing naparito Siya upang gawin ang gawaing ito, upang pahintulutan ang tao na mamasdan ang Kanyang lakas at kataas-taasang kapangyarihan sa Kanyang mga salita, upang pahintulutan ang tao na makita sa Kanyang mga salita kung paano Niya mapagkumbabang ikinukubli ang Kanyang Sarili, at upang pahintulutan ang tao na malaman ang Kanyang kabuuan sa Kanyang mga salita. Ang lahat ng mayroon Siya at ang lahat ng kung ano Siya ay nasa Kanyang mga salita. Ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha ay nasa Kanyang mga salita. Sa ganito ipinakikita sa iyo ang maraming paraan kung paano winiwika ng Diyos ang Kanyang mga salita. Karamihan sa gawain ng Diyos sa buong panahong ito ay pagtutustos, paghahayag at pakikitungo sa tao. Hindi Niya sinusumpa ang isang tao nang babahagya, at kahit na ginagawa pa Niya, ito ay sa pamamagitan ng salita. At sa gayon, sa kapanahunang ito ng Diyos na naging tao, huwag mong subukang makita ang Diyos na muling nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo, at itigil mo ang palagiang paghahanap ng mga tanda—wala itong saysay! Hindi magagawang perpekto ang tao ng mga tandang iyon! Sa malinaw na pananalita: Ngayon, ang totoong Diyos Mismo na nagkatawang-tao ay hindi kumikilos; nangungusap lamang Siya. Ito ang katotohanan! Gumagamit Siya ng mga salita upang gawin kang perpekto, at gumagamit ng mga salita upang pakainin at diligan ka. Gumagamit din Siya ng mga salita upang gumawa, at gumagamit Siya ng mga salita sa halip na mga katunayan upang ipaalam sa iyo ang Kanyang realidad. Kung may kakayahan kang mahiwatigan ang paraang ito ng gawain ng Diyos, mahirap na sa gayong maging negatibo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na negatibo, dapat ninyong pagtuunan ng pansin yaong mga positibo lamang—na ibig sabihin, natutupad man o hindi ang mga salita ng Diyos, o mayroon man o walang pagdating ng mga katunayan, nagsasanhi ang Diyos na matamo ng tao ang buhay mula sa Kanyang mga salita, at ito ang pinakadakila sa lahat ng tanda; at lalong higit pa, ito ay isang di-mapapasubaliang katunayan. Ito ang pinakamainam na katibayan na magagamit sa pagkilala sa Diyos, at mas dakila pang tanda kaysa mga tanda. Tanging ang mga salitang ito ang makakagawang perpekto sa tao.

Halos kasabay ng simula ng Kapanahunan ng Kaharian, sinimulan ng Diyos na magbitaw ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, unti-unting matutupad ang mga salitang ito, at sa panahong iyan, lalago sa buhay ang tao. Higit na tunay, at higit na kailangan ang paggamit ng Diyos ng salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, at wala Siyang ginagamit kundi ang salita upang gawin ang Kanyang gawain na magawang perpekto ang pananampalataya ng tao, sapagkat Kapanahunan ng Salita ngayon, at nangangailangan ito ng pananampalataya, kapasiyahan, at pakikipagtulungan ng tao. Paggamit ng Kanyang salita ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw upang maglingkod at maglaan para sa tao. Magsisimulang matupad lamang ang mga iyon pagkaraang nakapangusap ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa panahon na Siya ay nangungusap, hindi natutupad ang Kanyang mga salita, sapagkat kapag nasa yugto Siya ng katawang-tao, hindi matutupad ang Kanyang mga salita. Ito ay upang mangyari na makita ng tao na katawang-tao at hindi Espiritu ang Diyos; upang sa gayon ay makita ng tao sa sarili niyang mga mata ang realidad ng Diyos. Sa araw na tapos na ang Kanyang gawain, kapag nasabi na ang lahat ng salita na dapat mawika Niya sa lupa, magsisimulang matupad ang Kanyang mga salita. Hindi ngayon ang kapanahunan ng katuparan ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi pa Siya natatapos magwika ng Kanyang mga salita. Kaya’t kapag nakita mo na nagwiwika pa rin ang Diyos ng Kanyang mga salita sa lupa, huwag hintayin ang katuparan ng Kanyang mga salita; kapag huminto na ang Diyos sa pagsasabi ng Kanyang mga salita, at kapag natapos na ang Kanyang gawain sa lupa, iyon na ang simula na matupad ang Kanyang mga salita. Sa mga salitang winiwika Niya sa lupa, sa isang pagtingin ay mayroon nang pagkakaloob ng buhay, at sa isa pang pagtingin ay may hula—ang hula ng mga bagay na darating, ng mga bagay na gagawin, at ng mga bagay na tutuparin pa lamang. May hula rin sa mga salita ni Jesus. Sa isang pagtingin, nagbigay Siya ng buhay, at sa isa pang pagtingin, nangusap Siya ng hula. Ngayon, walang sinasabi tungkol sa sabay na pagsasakatuparan ng mga salita at mga katunayan sapagkat may napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng kayang makita ng tao ng sarili niyang mga mata at ng ginagawa ng Diyos. Masasabi lamang na sa sandaling natapos na ang gawain ng Diyos, matutupad ang Kanyang mga salita, at mangyayari ang mga katunayan pagkaraan ng mga salita. Sa mga huling araw, gumagampan ng ministeryo ng salita ang Diyos na nagkatawang-tao, at sa paggampan ng ministeryo ng salita, nangungusap lamang Siya ng mga salita, at hindi alintana ang ibang mga bagay. Sa sandaling magbago ang gawain ng Diyos, magsisimulang matupad ang Kanyang mga salita. Ngayon, unang ginagamit ang mga salita upang gawin kang perpekto; kapag natamo Niya ang kaluwalhatian sa buong sansinukob, tapos na ang Kanyang gawain–mangyayaring nasabi na—ang lahat ng salitang dapat masabi, at mangyayaring naging mga katunayan na ang lahat ng salita. Naparito sa lupa ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gampanan ang ministeryo ng salita, upang mangyari na makilala Siya ng tao, at upang mangyari na makita ng tao kung ano Siya, at makita ang Kanyang karunungan at lahat ng Kanyang kamangha-manghang mga gawa mula sa Kanyang salita. Sa Kapanahunan ng Kaharian, pangunahing ginagamit ng Diyos ang salita upang lupigin ang lahat ng sangkatauhan. Sa hinaharap, darating ang Kanyang salita sa bawat relihiyon, sektor, bansa at denominasyon. Ginagamit ng Diyos ang salita upang manlupig, upang magawang makita ng lahat ng tao na nagtataglay ang Kanyang salita ng awtoridad at kapangyarihan—at kaya ngayon, hinaharap niyo lamang ang salita ng Diyos.

Iba ang mga salita na winika ng Diyos sa kapanahunang ito sa mga winika noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya, gayon din, naiiba ang mga iyon mula sa mga salita na winika noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng salita, kundi isinalarawan lamang ang pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Isinasalarawan lamang ng Biblia kung bakit kailangang ipako sa krus si Jesus, at ang mga pagdurusang dinanas Niya sa krus, at kung paanong dapat maipako sa krus ang tao para sa Diyos. Sa kapanahunang iyon, nakatuon sa pagpapapako sa krus ang lahat ng gawain na ginawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kaharian, nagwiwika ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; dumating ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang gawaing ito, na ang ibig sabihin, naparito Siya upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang may pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakadiwa ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag nagwiwika ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na nagiging katawang-tao. “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Diyos, at ang Verbo ay Diyos, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at naparito nga ang Diyos sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—maliwanag nang nakasaad ang lahat ng gawaing ito na dapat makamit sa katapusan, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailabas, yaong mga mawawasak, yaong mga mamamahinga—dapat na matupad ang lahat ng salitang ito. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Pinangyayari Niya ang mga tao na maunawaan kung saan nabibilang yaong mga itinadhana ng Diyos at kung saan nabibilang yaong mga hindi itinadhana ng Diyos, kung paano mapapagbukud-bukod ang Kanyang mga tao at mga anak, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, matutupad ang bawat isa sa mga salitang ito. Bumibilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang paraan upang ihayag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin sa mga huling araw ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.

Dati Ko nang nasabi na “Tatalikdan ang lahat na nakatuon sa pagmamasid ng mga tanda at mga kababalaghan; hindi sila yaong mga magagawang perpekto.” Nakapagwika Ako ng napakaraming salita, ngunit ang tao ay wala ni bahagyang kaalaman sa gawaing ito, at, pagkaraang makarating sa puntong ito, humihingi pa rin ang tao ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang paniniwala mo ba sa Diyos ay paghahabol lamang sa mga tanda at mga kababalaghan, o ito ba ay upang makapagtamo ng buhay? Nagwika rin si Jesus ng maraming salita, at hindi pa natutupad ngayon ang ilan sa mga ito. Masasabi mo bang si Jesus ay hindi Diyos? Nagpatotoo ang Diyos na Siya ay si Cristo at ang minamahal na Anak ng Diyos. Maitatatwa mo ba ito? Ngayon, bumibigkas lamang ang Diyos ng mga salita, at kung hindi mo ito lubos na nalalaman, kung gayon ay hindi ka makapaninindigan. Naniniwala ka ba sa Kanya dahil Siya ay Diyos, o naniniwala ka ba sa Kanya batay sa kung natutupad o hindi ang Kanyang mga salita? Naniniwala ka ba sa mga tanda at mga kababalaghan, o naniniwala ka ba sa Diyos? Ngayon, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan—tunay ba Siyang Diyos? Kung hindi natutupad ang mga salita na Kanyang winiwika, Siya ba ay tunay na Diyos? Natutukoy ba ang diwa ng Diyos sa kung natutupad o hindi ang winiwika Niyang mga salita? Bakit ba may ilang tao na laging naghihintay sa katuparan ng mga Salita ng Diyos bago sila maniwala sa Kanya? Nangangahulugan ba ito na hindi nila Siya kilala? Mga taong nagtatatwa sa Diyos ang lahat ng nag-aangkin ng ganoong mga kuru-kuro. Ginagamit nila ang mga kuru-kuro upang sukatin ang Diyos; kung natutupad ang mga salita ng Diyos, naniniwala sila sa Diyos, at kung hindi, hindi sila naniniwala sa Kanya; at lagi nilang tinutugis ang mga tanda at mga kababalaghan. Hindi ba’t ang mga taong ito ang mga Fariseo ng mga makabagong panahon? Nakatitindig ka man nang matatag o hindi ay batay sa kung nakikilala mo o hindi ang tunay na Diyos—napakahalaga nito! Mas malaki ang realidad ng salita ng Diyos sa iyo, mas malaki ang iyong kaalaman sa realidad ng Diyos, at mas nakakaya mong magpakatibay sa panahon ng mga pagsubok. Mas nakatuon kang makakita ng mga tanda at mga kababalaghan, mas hindi mo nakakayang tumindig nang matatag, at babagsak ka sa gitna ng mga pagsubok. Hindi ang mga tanda at mga kababalaghan ang pundasyon; tanging ang realidad ng Diyos ang buhay. May ilang tao na hindi alam ang mga epekto na makakamit ng gawain ng Diyos. Ginugugol nila ang kanilang mga araw sa kalituhan, hindi itinataguyod ang kaalaman sa gawain ng Diyos. Ang layunin ng kanilang pagtataguyod ay lagi lamang ipatupad sa Diyos ang kanilang mga ninanasa, at saka lamang sila magiging dibdiban sa kanilang paniniwala. Sinasabi nila na kanilang itataguyod ang buhay kung natutupad ang mga salita ng Diyos, ngunit kung hindi natutupad ang mga salita Niya, kung gayon ay walang posibilidad na kanilang itaguyod ang buhay. Iniisip ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay ang pagtataguyod sa pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan at ang pagtataguyod sa pag-akyat sa langit at sa ikatlong langit. Walang sinuman sa kanila ang nagsasabi na ang kanilang paniniwala sa Diyos ay ang pagtataguyod sa pagpasok sa realidad, ang pagtataguyod sa buhay, at ang pagtataguyod na makamit ng Diyos. Anong kahalagahan mayroon ang pagtataguyod na tulad nito? Yaong mga hindi nagtataguyod ng pagkakilala sa Diyos at sa kaluguran ng Diyos ay yaong mga hindi naniniwala sa Diyos; sila ang mga lumalapastangan sa Diyos!

Ngayon nauunawaan ba ninyo kung ano ang paniniwala sa Diyos? Nangangahulugan ba ang paniniwala sa Diyos ng pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Nangangahulugan ba ito ng pag-akyat sa langit? Hindi madali kahit bahagya ang paniniwala sa Diyos. Dapat maalis ang gayong mga relihiyosong pagsasagawa ng pagtataguyod sa paglunas sa mga maysakit at pagpapatalsik sa mga demonyo, ang pagtutuon sa mga tanda at kababalaghan, pagnanasa sa higit pang biyaya, kapayapaan at kagalakan ng Diyos, paghahabol ng mga pagkakataon at mga kaginhawahan ng laman—pawang relihiyosong gawi ang mga ito, at malabong uri ng paniniwala ang mga ganoong relihiyosong gawi. Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pinakamahalagang dapat taglayin ng iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi ang pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa pagtataguyod sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at, tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makasusunod ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban. Sa paniniwala sa Diyos, dapat magpunyagi ang tao na magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at para sa ganap na pagkamasunurin sa Diyos. Kung masusunod mo ang Diyos nang hindi dumaraing, isaisip ang mga ninanais ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang pamamaraan ni Pedro na sinabi ng Diyos, diyan mo matatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamtan ka na ng Diyos.

Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa buong sansinukob. Dapat tanggapin ng lahat ng naniniwala sa Kanya ang Kanyang salita, at kainin at inumin ang Kanyang salita; walang sinuman ang makakamit ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakita sa mga tanda at mga kababalaghan na ipinamalas ng Diyos. Sa buong mga kapanahunan, laging ginagamit ng Diyos ang salita upang gawing perpekto ang tao. Kaya’t hindi ninyo dapat iniuukol ang lahat ng inyong pansin sa mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay dapat magsikap na magawang perpekto ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, nagwika ang Diyos ng ilang salita, at sa Kapanahunan ng Biyaya, nagwika din si Jesus ng maraming salita. Pagkaraang sumambit ni Jesus ng maraming salita, pinamunuan ng mga sumunod na apostol at disipulo ang mga tao sa pagsasagawa ayon sa mga kautusang ipinalabas ni Jesus at nakaranas sila ayon sa mga salita at prinsipyong winika ni Jesus. Sa mga huling araw, pangunahing gumagamit ang Diyos ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang apihin ang tao, o hikayatin ang tao; hindi nito makakayang gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay magiging imposible na gawing malinaw ang realidad ng Diyos, at sa gayon ay imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay gumagamit ng salita upang diligan at patnubayan ang tao, pagkatapos nito ay ang pagtatamo ng ganap na pagkamasunurin ng tao at pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang layunin ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t ibang pamamaraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pakikitungo, pagtatabas, o pagtutustos ng mga salita, nagsasalita ang Diyos mula sa maraming iba’t ibang perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Kapag ang tao ay nagagawang ganap sa panahon na tinatapos ng Diyos ang kapanahunan sa mga huling araw, magiging kwalipikado siya na tumingin sa mga tanda at himala. Kapag nakilala mo ang Diyos at nagawa mong sundin ang Diyos anuman ang gawin Niya, hindi ka na magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya kapag nakakita ka ng mga tanda at kababalaghan. Sa sandaling ito, ikaw ay tiwali at walang kakayahang ganap na sumunod sa Diyos—iniisip mo ba na kwalipikado kang makakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa ganitong kalagayan? Kapag nagpapamalas ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, iyan na ang pagpaparusa ng Diyos sa tao, at gayundin, kapag nagbabago ang kapanahunan, at, dagdag pa, kapag nagwawakas ang kapanahunan. Kapag normal na isinasakatuparan ang gawain ng Diyos, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Napakadali para sa Kanya na magpakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ngunit hindi iyan ang prinsipyo ng gawain ng Diyos, o ang layunin ng pamamahala ng Diyos sa tao. Kapag nakakita ang tao ng mga tanda at mga kababalaghan, at kung magpapakita sa tao ang espirituwal na katawan ng Diyos, hindi kaya maniniwala sa Diyos ang lahat ng tao? Dati Ko nang nasabi na natatamo mula sa Silangan ang isang pangkat ng mga mananagumpay, mga mananagumpay na nagmumula sa gitna ng malaking kapighatian. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay ang mga taong ito na natamo na ay tunay lamang na sumunod matapos dumaan sa paghatol at pagkastigo, at pakikitungo at pagtatabas, at lahat ng uri ng pagpipino. Hindi malabo at mahirap unawain, bagkus ay tunay ang paniniwala ng mga ganoong tao. Hindi pa sila nakakakita ng anumang mga tanda at kababalaghan, o anumang mga himala; hindi sila nagsasalita ng malalabong titik at mga doktrina, o malalalim na kabatiran; sa halip, mayroon silang realidad, at mga salita ng Diyos, at isang tunay na kaalaman sa realidad ng Diyos. Ang ganoon bang grupo ay walang higit na kakayahang gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos? Tunay na gawain ang gawain ng Diyos sa panahon ng mga huling araw. Noong kapanahunan ni Jesus, hindi Siya naparito upang gawing perpekto ang tao, kundi upang tubusin ang tao, at sa gayon ay nagpakita Siya ng ilang himala upang mapasunod Niya ang mga tao sa Kanya. Sapagkat pangunahing naparito Siya upang kumpletuhin ang gawain ng pagpapapako sa krus, at hindi bahagi ng gawain ng Kanyang ministeryo ang pagpapakita ng mga tanda. Ang ganoong mga tanda at mga kababalaghan ay mga gawain na ginawa upang gawing mabisa ang Kanyang gawain; ang mga iyon ay dagdag na gawain, at hindi kumakatawan sa gawain ng buong kapanahunan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, nagpakita rin ang Diyos ng ilang tanda at mga kababalaghan—subalit tunay na gawain ang gawain ng Diyos ngayon, at tiyakang hindi Siya magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan ngayon. Kung nagpakita Siya ng mga tanda at mga kababalaghan, mapapatapon sa kaguluhan ang tunay Niyang gawain, at hindi na Siya makakagawa pa ng anumang karagdagang gawain. Kung sinabi ng Diyos na gamitin ang salita upang gawing perpekto ang tao, ngunit nagpakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan, magagawa bang malinaw, kung gayon, kung tunay na naniniwala o hindi ang tao sa Kanya? Kaya, hindi gumagawa ang Diyos ng ganoong mga bagay. Sadyang napakarami ng relihiyon sa loob ng tao; naparito ang Diyos sa mga huling araw upang alisin ang lahat ng relihiyosong mga kuru-kuro at mga bagay na higit-sa-karaniwan sa loob ng tao, at ipaalam sa tao ang realidad ng Diyos. Naparito Siya upang alisin ang isang larawan ng Diyos na mahirap unawain at hindi makatotohanan—sa ibang salita, isang larawan ng Diyos na hinding-hindi umiiral. At sa gayon, ang tanging bagay na mahalaga ngayon ay ang magkaroon ka ng kaalaman sa realidad! Nananaig sa lahat-lahat ang katotohanan. Gaanong katotohanan ang taglay mo ngayon? Nagpapakita ba ang lahat ng iyon ng mga tanda at mga kababalaghan ng Diyos? Makapagpapakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan ang masasamang espiritu, ang lahat ba ng mga iyon ay Diyos? Sa kanyang paniniwala sa Diyos, ang hinahanap ng tao ay ang katotohanan, ang itinataguyod niya ay buhay, sa halip na mga tanda at mga kababalaghan. Ito ang dapat maging mithiin ng lahat niyaong naniniwala sa Diyos.

Sinundan: Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Sumunod: Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 19

Sa imahinasyon ng mga tao, tila ang Diyos ay napakatayog, at hindi Siya maarok. Parang hindi naninirahan ang Diyos sa piling ng...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito